Tuesday, July 31, 2012

Pilipinas Minamahal Parin Kita


Sunod-sunod na kalbaryo
Sunod-sunod na bagyo
Sunod-sunod na kabiguan
Ang dumarating sa’yo

Mga taong naninirahan sayo
Animoy walang pakialam
Pati ang mga namumuno
Nagawa kang pagnakawan

Dati mong malinis na karagatan
Ngayo’y para nang basurahan
Kagubatan mong sagana
Ngayo’y panot at kalbo na

Kabataan mo’y napapariwara
Landas na tinatahak ay giba-giba
Bisyo dito, bisyo doon
Kinabukasan nila, saan paroroon

Henerasyon ngayo’y limot na ang bayanihan
Magkakapatid sa dugo’y naghihilahan
Sa panahong di na uso ang tulungan
Pagunlad ba’y hanggang pangarap na lang?

Sa kabila ng lahat ng ito
Pagasa ko’y hindi naglalaho
Darating din ang pagbabago
Sa ating mga Pilipino

Pagibig ay lalaganap
‘Wag tayo sumukong mangarap
Tayo ay magsikap
Gaganda rin ang hinaharap

Tayo’y manalig lamang
Sa Amang makapanyarihan
Sapagkat hindi pa huli ang lahat
Matatamo din natin ang kapayapaan

Ang araw mo’t tatlong bituin
Alam ko, sila’y muling magniningning
Sa aki’y ikaw parin ang pinakamagandang bansa
Kaya Pilipinas Minamahal Parin Kita

Tuesday, March 20, 2012

Para sa mga Anak ko

Gusto mo ba ng kwento?
O sya, halika dito.
Magkukwetuhan tayo,
Tungkol sa buhay ko.

Dati ako daw ang pinakamaganda.
Pinag-aagawan ako ng mga kapit-bahay ko.
Gusto nila akong magamit at makuha.
Virgin pa daw kasi ako.

Linaspag ako ng tatlong dayuhan.
Ang pinakahuli ang di ko makakalimutan.
Binigyan nya ako ng panandaliang kaligayahan.
Ako ay nagpagamit na parang timang.

Tinuruan nya kami ng madaming bagay.
Pati pera sa ami’y inialay.
Sa ginhawang binigay nya kami’y nasanay.
Sa piling nya tuloy, ayaw ko nang mawalay.

Ngunit dumating ang pagkakataon,
Sa aking sariling paa’y kailangan bumangon,
Sinubukan kong umahon,
Na sa dayuha’y walang tulong.

Nang nawala siya’y nagkandaletse-letse,
Buhay ko ngayo’y naging peste,
Hindi kami sanay sa ganitong buhay,
Napautang tuloy ako sa mga kapit-bahay.

Nagpatuloy ang kamalasan ko,
Nagpatung-patong na mga utang ko.
Pati panganay ko, nagawa akong maloko,
Ano bang klaseng buhay ‘to?

Ibang anak ko’y kumapit sa patalim.
Lumapit sila sa mga lumaspag sa akin.
Ang iba sa kanila’y di na bumalik sa akin.
Napakasakit sa aking damdamin.

Ako’y kanilang kinalimutan,
Sa dahuyan sila’y nanahan.
Kinalimutan ang kanilang pinanggalingan,
Sariling ina’y kanilang iniwan.

Naloko na ang aking pamilya,
Magkakapatid ay nagsisiraan,
Hindi sila nagtutulungan,
Bagkus sila’y naghihilahan.

Naging mabait naman ako,
Tinangggap ko sila ng buong-buo.
Buhay ko bakit nagkaganito?
Ano bang masama ang nagawa ko?

Sa dami ng mga anak ko,
Konti lang ang may malasakit.
Pagmamahal nila ang kailangan ko,
Wag sana nila yun ipagkait.

Ganito man ang nangyari sa akin,
Alam kong ganda ko’y babalik din.
Pagmamahal lang ang aking kailangan,
Giginhawa rin ang kinabukasan.

Sana mabasa ito ng mga anak ko,
Nang mabuhayan sila sa kanilang pagkatao.
Sana ipagmalaki nila ako,
Dahil malaki din ang pinag-hirapan ko.

Pangalan ko’y di mo pa pala nalalaman,
Pasensya kung introduksyo’y aking nakalimutan.
PILIPINAS nga pala ang aking pangalan,
Ang dating Perlas ng Silangan.

Inspired by: Minsan may Isang Puta.